Sunday, January 11, 2009

So be it. part1

Kabanata 1- Lakbay diwa

"Bukas o sa makalawa wala ng tulad mong magbibigay inspirasyon sa mga bata dito sa ating nayon." sambit ni Mang Simong sa gurong kausap.

Tila hindi ito narinig ng binatang guro. Malayo na ang linalakbay ng kanyang diwa. Nagtatalo ang kanyang pagkatao kung tamang daan nga ba ang tinatahak niya patungong pagbabago. Naisin man niyang manatili upang patuloy na maging gabay ng lahat ng kabataan sa nayong ito; hindi pa rin niya magawang isantabi ang isang alternatibong pilit na lumalapit sa kanya- ang mangibang bansa. Kung doon siya magpapatuloy ng kanyang propesyon tiyak dolyar ang kanyang kikitain. Swerte ako kung tutuuisin sapagkat sa krisis na kinahaharap ng Estados Unidos isa ako sa mabibigyan pa ng trabaho. Ito na lamang ang kanyang naisip upang ipagtanggol ang kanyang nalalapit na pag-alis. Sabagay nga naman, maipapaayos na niya ang matagal na idinadaing na sira-sirang bahay ng ina nitong si Aling Marta. Mapagtatapos niya na rin ng pag-aaral ang tatlo pang kapatid. At higit sa lahat, hindi na niya kakailanganing tiisin ang bulok na pamamahala ng paaralang kanyang pinagsisilbihan. Hindi nya na kailangang sikmurain ang bulok na sistema ng pampublikong paaralan. Hindi na siya muling makararanas ng kakarampot na suweldong pulos pa kaltas. Mabuti kung nakikita ang pag-asenso, sa isip-isip ng binata.

"Anak,anak! Ika ba'y nakikinig sa akin?" halos pasigaw nang pagsasalita ng matanda.

At ito ang nagbalik sa binatang guro sa kasalukuyan.

"Ai, oho naman po, lo. Bagkus lamang po ay iniisip ko pa rin kayong pamilya ko. Maipapaayos ko na ang ating bahay at mapagtatapos ko pa ang aking mga kapatid. Hindi na tayo maghihirap pa."magalang na sagot ng binatang guro.

"Anak ka talaga ng tatay mo! Kita mong nangyari sa kanya dun sa Iraq, sa kakapangarap ng mataas ay lumagpak. Ngayon, nasaan siya? Anim na talampakan ngayon ang layo niya sa ibabaw ng lupa." mapagpangaral na sambit ni Mang Simong.

"Lolo naman, alam ninyo naman ho na malayo-layo ang Estados Unidos sa Iraq. At saka ho, ito na ang aking napagpapasyahan.", desididong sagot ng binata.

Hindi na lamang pa nakipagtalo si Mang Simong. Naglakad ito palayo sa kanya,ng walang iniwanang isang gintong pangaral, na ikinagulat niya ng lubusan. Kilala niya ang kanyang lolo Simong, hindi iyon magpapatalo sa anumang usapan. Ang kanyang lolo Simong ang madalas niyang mabanggit kapag nagtuturo siya ng Noli Me Tangere sa mga estudyante niya. Ihinahalintulad niya ito sa karakter ni Pilosopong Tasyo dahil sa pagkarami-raming ideya at pangaral na itinuturo. Nang maalala niya ito'y parang my kirot sa puso siyang naramdaman. Hindi na niya maituturo ang mga obra ni Rizal sa ibang bansa. Ano nga bang alam ng kabataan doon tungkol sa pambansang bayani.

Naupo siya sa isang mahabang bangkong kanina-nina lamang ay inuupuan ni Mang Simong. Muli siyang hinatak ng kanyang diwa upang maglakbay patungo sa bansang hindi pa niya napupuntahan. Paikot-ikot ang kanyang kamalayan sa mga larawan ng bansang ito sa kanyang isipan. Napangiti siya sa kanyang sarili ng maalala ang larawan ni Pangulong Obama. Hindi siya puti, isa siyang itim. Paulit-ulit niya itong binabanggit hanggang sa hatakin siya ng antok at tuluyang makatulog nang nakahandig sa puno.

No comments: