Showing posts with label story1. Show all posts
Showing posts with label story1. Show all posts

Friday, January 16, 2009

So be it.part2

Kabanata 2- Mukha ng mga kabataan

Maaga gumising si Celine upang tapusin ang binigay na takdang aralin ng kanyang guro. Hindi niya kasi ugali ang gumawa kaagad nito pagdating pa lamang ng bahay. Isa siya sa maraming estudyanteng ipinagpapaliban hanggang kinabukasan ang mga gawain. Katwiran niya minsan, "Mas nakakapag-isip kasi ako sa umaga." Hindi man lubos na kapani-paniwala ay matataas pa rin ang nakukuha niyang marka sa unibersidad na pinapasukan. Natural na siguro sa kanya ang pagiging matalino. Hindi pa riyan kasali ang katotohanang may kaya sa buhay ang kanyang pamilya kung kaya't lahat ng pang-akademikong bagay ay abot kamay niya.

"Ma, Midterms na namin sa isang linggo, 5K ang babayaran ko", paantok nitong pagsasalita nang makita ang ina.

"O sige, mamayang tanghali ay umuwi ka at kunin mo dito, hindi pa kasi ako nakapag withdraw", sambit ng ina sa kanyang dalaga.

Sa isang boarding house, ilang kilometros ang layo sa bahay nina Celine, ay mahimbing pa ring natutulog si Benj. Galing siya kagabi sa isang inuman kasama ang ilang barkada. Madalas niyang ginagawa ang ganito. Inuman, barkada at yosi ang siklo ng kanyang buhay kolehiyo. Wala siyang pakialam sa sinasabi ng kanilang guro sa tuwing nangangaral ang mga ito ukol sa masasamang bunga sa katawan ng alak at sigarilyo.Hindi siya nababagabag sa pagbulusok pababa ng kanyang marka sa bawat pagsagot sa guro nila at sa madalas na pagsigaw ng "Sheeet! Quiz na naman!" kahit pati kabilang klase na ang nakakarinig nito. Ngunit pagbayaran na tuwing bago darating ang mga exams ay mabilis pa siya kay The Flash. Isang bagay na ipinagtataka ng kanyang mga barkada.


Kung anung bilis sa pagbabayad ng matrikula ni Benj ay siya namang bagal ni Alice. Hindi niya malaman kung paano muling makikiusap sa kanyang mga guro na pakuhanin na siya ng exam kahit wala pang Exam Permit. At paminsan-minsan ay mayroong mga maiintindihing guro na pinapayagan siya.
Ngunit kadalasan ay minamalas naman, sapagkat di pa siya magtatanong ay maririnig na niya ang malakas na ugong sa klaseng,

"Okay class, tomorrow will be your Prelim Exam, as stated in our school policy, NO PERMIT, NO EXAM! And again based on your handbook only those who have valid reasons will be allowed to get a delayed exam with a fee of 50pesos. Is that clear?"

Ang karamihan ay walang pakialam na tumango na lamang ngunit may ilan-ilang katulad ni Alice na walang ibang sagot kundi malulutong na mura sa kanilang isipan. Halos isumpa nila ang guro dahil tila naialmusal yata niya ang Student Handbook.


Saktong alas-nuebe ay nagsimula na ang klase ni Ma'am Revemendo. Nagsimula na siyang magtawag ng pangalan ng mga estudyante upang malaman kung sino ang wala pa. At tulod ng inaasahan ng lahat ng estudyante ay kumpleto na naman sila. Lahat ay naghihintay sa pagbubukas ng kanilang bagong aralin.

Nakaupo sa pinakamalayong upuan si Benj na wala pa yata sa sarili dahil sa hang-over. Katabi niya ang isang magandang babaeng walang ibang ginagawa kundi pumindot ng keypad ng kanyang telepono. Sa harapan naman ay magkatabing nakaupo si Celine at Alice na pinipigilang tumawa dahil sa takot sa kanilang guro. Sa likod nila ay ang tinaguriang 'Makabagong Pilosopo' na si Ed, ibinulaslas nito sa buong klase na, "naka- rainbow colors na naman si Ma'am!" sabay pakawala ng mala-osong tawa.Mabuti na lamang at umalis sandali si Ma'am Revemendo upang kunin ang naiwan niyang gamit.

"Engs ka talaga, Ed! Muntik na kayang marinig 'yun ni Ma'am!", matinis na pagsigaw ni Trixia sa katabing hindi pa rin natitigil sa pagtawa.

"Trix, relax. Sinisigurado ko namang malyo na si Ma'am kapag sumisigaw ako." patay malisyang sagot nito sa katabing hindi inaalis ang mata sa libro ni Meyer na Breaking Dawn.

"Nandyan na si Ma'am!" kontroladong sigaw ni Marco sa mga kaklase. Siya naman ang nakaupo pinakamalapit sa pintong dinadaanan ng guro.

Mabibigat ang hakbang ni Ma'am Revemendo. Nagbabadya ng bagyo ang malalaki niyang matang nakatitig sa buong klase. Isang malaking bag ang hawak ng kanyang kanang kamay na alam na alam ng mga estudyanteng laptop ang laman. Sa kaliwang kamy ng guro ay isang mahabang envelope ang matatagpuan.

Halu-halo na ang nasa isip ng mga estudyante. Ang lima sa kanila ay may kodigo ng handa. Si Trixia ay papalit-palit ang pagtitig sa guro at sa kanyang notebook. Mahabahabang tulugan naman ang iniisip ni Benj. Si Alice ay patuloy sa pamumutla dahil wala na siyang dahilan para manatili pa sa klase. Nakatitig lang sa kawalan si Marco at lumilipad ang isip.

Isang matapang na boses ang bumasag sa katahimikan ng klase, "Hi Ma'am!", bati nito. Isang matalim na tingin ang hinagip ng mga mata ni Ed dahil sa sinabi.

Sunday, January 11, 2009

So be it. part1

Kabanata 1- Lakbay diwa

"Bukas o sa makalawa wala ng tulad mong magbibigay inspirasyon sa mga bata dito sa ating nayon." sambit ni Mang Simong sa gurong kausap.

Tila hindi ito narinig ng binatang guro. Malayo na ang linalakbay ng kanyang diwa. Nagtatalo ang kanyang pagkatao kung tamang daan nga ba ang tinatahak niya patungong pagbabago. Naisin man niyang manatili upang patuloy na maging gabay ng lahat ng kabataan sa nayong ito; hindi pa rin niya magawang isantabi ang isang alternatibong pilit na lumalapit sa kanya- ang mangibang bansa. Kung doon siya magpapatuloy ng kanyang propesyon tiyak dolyar ang kanyang kikitain. Swerte ako kung tutuuisin sapagkat sa krisis na kinahaharap ng Estados Unidos isa ako sa mabibigyan pa ng trabaho. Ito na lamang ang kanyang naisip upang ipagtanggol ang kanyang nalalapit na pag-alis. Sabagay nga naman, maipapaayos na niya ang matagal na idinadaing na sira-sirang bahay ng ina nitong si Aling Marta. Mapagtatapos niya na rin ng pag-aaral ang tatlo pang kapatid. At higit sa lahat, hindi na niya kakailanganing tiisin ang bulok na pamamahala ng paaralang kanyang pinagsisilbihan. Hindi nya na kailangang sikmurain ang bulok na sistema ng pampublikong paaralan. Hindi na siya muling makararanas ng kakarampot na suweldong pulos pa kaltas. Mabuti kung nakikita ang pag-asenso, sa isip-isip ng binata.

"Anak,anak! Ika ba'y nakikinig sa akin?" halos pasigaw nang pagsasalita ng matanda.

At ito ang nagbalik sa binatang guro sa kasalukuyan.

"Ai, oho naman po, lo. Bagkus lamang po ay iniisip ko pa rin kayong pamilya ko. Maipapaayos ko na ang ating bahay at mapagtatapos ko pa ang aking mga kapatid. Hindi na tayo maghihirap pa."magalang na sagot ng binatang guro.

"Anak ka talaga ng tatay mo! Kita mong nangyari sa kanya dun sa Iraq, sa kakapangarap ng mataas ay lumagpak. Ngayon, nasaan siya? Anim na talampakan ngayon ang layo niya sa ibabaw ng lupa." mapagpangaral na sambit ni Mang Simong.

"Lolo naman, alam ninyo naman ho na malayo-layo ang Estados Unidos sa Iraq. At saka ho, ito na ang aking napagpapasyahan.", desididong sagot ng binata.

Hindi na lamang pa nakipagtalo si Mang Simong. Naglakad ito palayo sa kanya,ng walang iniwanang isang gintong pangaral, na ikinagulat niya ng lubusan. Kilala niya ang kanyang lolo Simong, hindi iyon magpapatalo sa anumang usapan. Ang kanyang lolo Simong ang madalas niyang mabanggit kapag nagtuturo siya ng Noli Me Tangere sa mga estudyante niya. Ihinahalintulad niya ito sa karakter ni Pilosopong Tasyo dahil sa pagkarami-raming ideya at pangaral na itinuturo. Nang maalala niya ito'y parang my kirot sa puso siyang naramdaman. Hindi na niya maituturo ang mga obra ni Rizal sa ibang bansa. Ano nga bang alam ng kabataan doon tungkol sa pambansang bayani.

Naupo siya sa isang mahabang bangkong kanina-nina lamang ay inuupuan ni Mang Simong. Muli siyang hinatak ng kanyang diwa upang maglakbay patungo sa bansang hindi pa niya napupuntahan. Paikot-ikot ang kanyang kamalayan sa mga larawan ng bansang ito sa kanyang isipan. Napangiti siya sa kanyang sarili ng maalala ang larawan ni Pangulong Obama. Hindi siya puti, isa siyang itim. Paulit-ulit niya itong binabanggit hanggang sa hatakin siya ng antok at tuluyang makatulog nang nakahandig sa puno.